Sunday, December 25, 2005

Pagbabasbas

Nitong mga huling araw, nababanggit ko sa aking mga kasama dito sa Paaralang Xavier at gayundin sa mga nakakausap kong mga kaibigan na tila yata wala nang gaanong dating sa akin ang Pasko. Oo, alam ko at hindi pa naman nawawala sa puso ko na dakila ang araw na ito dahil ito ang araw ng kapanganakan ni Hesus.

Pero hindi ito ang "dating" na sinasabi ko. Ang sinasabi ko ay iyong dating ng Pasko na para bang lagi kang mapapatalon sa saya. Iyon bang paggising na paggising mo pa lang sa umaga ay magmamadali kang maghilamos at tatakbo palabas ng bahay upang batiin ang lahat ng Maligayang Pasko! Nitong mga nakararaang taon, parang hindi ko na masyadong nararamdaman iyon. Siguro, gawa ng aking edad. Siguro, gawa ng aking bokasyon. Siguro, gawa ng kung anu-anong mga bagay na hinahanap ko sa buhay ngayon.

Gumising ako kaninang umaga na para bang isang ordinaryong araw lamang. Lumabas ako ng silid, pumunta sa kusina at kumuha ng isang mug ng kape. Tinungga ko ang kape, gumuhit sa lalamunan ang maitim-mapait-mainit na likido. Habang kumakalat ang init mula sa lalamunan papuntang dibdib, napabuntung hininga ako at saka lumabas ang mga salitang "Merry Christmas!" Kinakausap na naman ang sarili. Mag-isa na namang nakaupo sa mesa. Naghihintay na naman at nanghuhula kung sinong Heswita ang unang makakasama sa mesa upang simulan ang umaga.

Sanayan nga lang siguro. Sa anim na taong pagiging Heswita ko, medyo nasasanay na rin ako na ang unang kaharap ko sa umaga kung Pasko ay mga Heswita. Hindi kapatid. Hindi Nanay. Hindi rin Tatay. At lalung-lalo nang hindi seksing babae na pinagnanasaan gabi-gabi.

Kaya siguro nitong mga nakararaang taon, parang hindi ko na masyadong nararamdaman ang Pasko. Siguro, gawa ng aking edad. Siguro, gawa ng aking bokasyon. Siguro, gawa ng kung anu-anong mga bagay na hinahanap ko sa buhay ngayon.....

Kaninang tanghali, habang sama-sama kaming nagdarasal ng mga kapatid kong mga Heswita sa kapilya, hindi ko napigilan ang pagbalong ng mga luha sa aking mata habang naririnig ang pagbabasbas na ibinibigay sa amin ng aming Padre Superyor.

"...Blessed are You, God of Unity,
for entering our lives through friendship.
Make us, we pray, worthy of such a gift
by being faithful but non-possessive,
by being loyal but honest
and by being ever grateful
for the gift of good friends.
Blessed are You, Lord our God who gifts us with the joys of friendship.

Amen."

Ewan ko ba. Habang sama-sama kaming nananalangin sa kapilya ng mga kapatid kong Heswita at naririnig ang pagbabasbas, naulinigan ko ang puso kong bumubulong: "Heto ang pasko mo. Narito, kasama mo ngayon si Kristo."

Pagkatapos ng panalangin, kinamayan ko ang mga kapatid kong Heswita, at binati ang lahat ng "Maligayang Pasko!"

Wednesday, July 27, 2005

Hanap Buhay

(Noong ikalawang semestre ng 2002, nagkaroon ako ng pagkakataong sumama sa mga tagahakot ng basura sa QC. Kasama ito sa mga "requirement" para sa isang asignatura sa Pilosopiya. Matapos naming sumama sa paghahakot ng mababahong basura sa loob ng tatlong araw, nalaman ko kung bakit mahalagang sangkap ang "exposure" na ito sa pamimilosopiya.)

Alam ko kung ano ang pakiramdam ng isang nagtatrabaho. Alam ko din kung ano ang ibig sabihin ng magtrabaho. Tatlong taon din naman akong nagtrabaho sa industriya bago ako bumalik sa pag-aaral at kumuha ng Pilosopiya dito sa Ateneo de Manila. Kaya nga kung may magtatanong sa akin kung ano ang pakiramdam ng nagtatrabaho, agad-agad kong sasabihin na napakahirap.

Sa pagtatrabaho, halos wala kang kalayaan. Maghapon at kung minsan pa’y magdamag kang nakatali sa iyong mga gawain. Dati rati nga, pumasok sa isip ko na hindi hanap buhay ang ginagawa ko kundi “hanap-patay”. Halos patayin ka naman kasi talaga ng trabaho lalung-lalo na kung may mga deadlines. Mahirap talagang magtrabaho.

Ngunit, ano bang mahirap doon? Hindi ba’t masaya nga ang buhay ng isang yuppie? Naka long-sleeves ka, naka-neck tie, makintab ang sapatos at nakasuot ng magarang relo. Medyo kumikintab pa nga ang buhok mo gawa ng mamahaling gel na binili mo pa sa Mark and Spencer’s. Kung papasok ka nama’y nakasakay ka sa isang magarang kotse, papasok sa opisina na maghapon namang nakabukas ang air-con! Sa maghapong pag-tipa sa computer kikita ka na kaagad. Binabayaran lahat ng gagawin mo. Tuwing a-kinse at katapusan, pupunta ka lang sa ATM at bubulaga na sa iyo ang five-figures na halaga ng iyong pinagpaguran. Mayroon ka pa bang hahanapin doon?

Mayroon. Hahanapin mo ang init ng pagkakaibigan na kung minsan ay tila nabura na sa bokabularyo ng ibang taong nasanay na humarap sa kompyuter. Hahanapin mo ang pang-unawa ng isang tao na tila ipinagkakait sa iyo kung may kaunti kang nagawang mali sa trabaho. Hahanapin mo ang mga Sabado’t Linggong ninakaw ng pagtatrabaho na para sana’y sa pamilya o kasintahan. Hahanapin mo ang katahimikan na nagmumula sa kalooban. Ilan lamang iyan sa mga bagay na hinanap ko noong ako’y nagtatrabaho.

Noong nakaraang buwan, napasabak ako sa buhay ng tagahakot ng basura. Trabaho na naman. Ngunit ibang uri ng trabaho. Para sa mga naging kasama kong mga tagahakot ng basura sa QC Waste Management, iisa ang ibig sabihin ng trabaho at pagbabanat ng buto. Maluluma ang sinasabi kong karanasan ng pagtatrabaho sa uri ng trabahong naranasan ko. Dito, naka long sleeves ka nga—pero yung long sleeves mo may tatak naman sa harap at sa likod ng kumpanyang iyong pinapasukan. Hindi lang iyon—alam pa ng buong bayan kung ano ang trabaho mo kapag suot mo iyon—'QC Waste Management Team". Sa madaling sabi, isa ka lang tagahakot ng basura o palero kung tawagin nila. Hindi mo na kailangan ng mamahaling gel. Sa pawis at alikabok pa lang ay maninigas na ang buhok mo. At saka may service din nga pala—at may kasama ka pang driver. Kaya nga lang trak ng basura ang sasakyan mo at hindi isang honda o toyota kaya.

“Kayod-kabayo,” wika nga ni Noel Cabangon sa kanyang awit. Babanatin talaga ang mga buto-buto mo sa bigat ng mga basurang kailangang kolektahin at tanggalin sa daan. Baho. Panghi. Lansa. Sang-sang. Lahat na yata ng uri ng amoy ay nasagap ko na sa “trabaho” kong ito. Hindi lang buto mo ang babanatin dito, kasama dito pati ang sikmura. Naisip ko, malayung-malayo nga ito sa ginhawa ng trabahong naranasan ko noon. Pero, dito higit kong nadama kung paanong maging maligaya sa pagtatrabaho. Sa kabila ng mga ngahalong amoy basura ta amoy pawis, nadarama ko ang katahimikan at kapayapaan na dulot nito. Tama nga yung sabi ni Mang Berting na kasama naming driver—“mas masaya dito.” At kitang-kita ko iyon sa mukha niya habang sinasabi niya iyon. Sa karanasan ko ng pakikisalamuha sa kanila, nadama ko din ang kasayahang iyon.

Hindi sila mga Yuppies. Hindi sila pumapasok sa air-conditioned na opisina. Mga simpleng tao lamang sila, ngunit sa kanilang kasimplehan, nababanaagan at nasisilayaan ang pagiging tunay na tao. Marunong humalakhak sa mga simpleng biruan. Marunong umunawa, handang magturo at magalang. Higit sa lahat, marunong magpahalaga sa kapakanan ng iba bago sa kanilang sarili. Mga simpleng tao lamang sila. Ni hindi nga nakatapos ng high school. Ngunit, ang lawak ng kanilang pang-unawa at ang lalim ng kanilang karunungan sa buhay.

Sa loob ng apat na oras, silang mga kasama kong palero ay nagiging guro ko sa buhay. Sa loob ng apat na oras, tuwing linggo, tinuturuan nila akong maging payak at maging maligaya sa kapayakang iyon. Kaya nga’t naging mas madali sa akin nitong mga sumunod na mg araw ang gumising ng madaling araw upang pumunta sa dispatching area. Kasama na kasi doon ang paghahangad muling “maturuan”. Mas nagiging magaan ang mga bulto-bulto ng basura dahil natututo ka nang maging mahina at maghanap ng bisig na makakatulong. Nawala na rin ang baho ng mga ito. Nawala na rin ang pandidiri. Sa loob ng tatlong linggo tunay ngang nag- “hanap-buhay” ako—hinanap ang kahulugan ng buhay, hinanap ang kahulugan ng pagiging tunay na tao.

Sina Mario, Andoy, Berting, at Diding—mga naging guro ko na rin sila sa Pagiging Tao!

Sunday, July 17, 2005

Lakas Tama!


Mahigit isang buwan na ang nakalilipas sa kalendaryo ng paaralan. Heto ako ngayon, nagsisingit ng kaunting pahinga sa gitna ng mga pagmamarka ng maikling pagsubok ng H3-H. Katatapos ko lang din gumawa ng powerpoint presentation na gagamitin ko para sa H2C at H, iyon ay pagkatapos magawa ang mga hand-outs na kailangang ma-imprenta at ganoon din naman iyong mga pagsasanay. Hay naku, mahirap talagang maging guro.

Pero, ewan ko ba kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Simula nang tumuntong ako dito sa Xavier, simula nang tumuntong ako sa silid-aralan, simula nang binigkas ko ang unang mga kataga sa aking mga estudyante noong nakaraang taon...isang malakas na agos itong dumaloy sa aking puso....malakas na malakas....dumadagundong...nakabibingi...ah, kaysarap magturo gaanuman ito kahirap.

Paano ba naman kasi, kahit sandamukal na ang trabaho at kung minsan ay pinapawalangbahala lamang ng mga mag-aaral ang pinaghihirapan ko ng ilang gabi, ay may mga palatandaan din namang may nangyayari kahit papaano. Tinanaong ko minsan sa klase kung ano ang kaugnayan ng tunggalian ng maikling kuwento sa totoong buhay. Sagot ng isang estudyante "Bro, ang buhay tulad ng maikling kuwento, ay walang kulay at walang excitement kapag walang tunggalian." "Sakto! nakuha mo hijo!" sabi ko sa loob-loob ko. Nagtanong ako muli ukol sa tunggalian. Tinanong ko kung dapat bang winawakasan ang tunggalian. Sagot ng isa pa, "Maaring mawakasan ang isang tunggalian ngunit hindi ito matatapos, spaagkat lagi tayong nahaharap sa tunggalian." Hay, Lord, ok na ako dun. Kahit gaano pa kahirap magturo, basta't may mga mag-aaral na sumasagot ng ganyan, ok na sa akin. Ok na sa akin ang walang sahod. Ok na sa akin ang walang oras para sa sarili....Ah, siyanga pala, ok na rin sa akin ang walang asawa't anak. he-he.

Saturday, July 16, 2005

ASTEG!

Dumalo ako kanina ng isang seminar tungkol sa pagtuturo ng tula. Ginamit ng mga speaker ang isang tulang sinulat ni Achoot. He-he, muntik nang mag-away-away ang mga guro sa seminar sa pag-unawa sa teksto. Habang ako naman ay nananalangin na sana'y biglang magmulto si Gadamer sa aming harapan. Pero, astig itong tula ni Achoot. Tumitimo sa puso. sana ako rin muling magkaroon ng panahong tumingin, magmasid at sumipat ng sarili sa salamin.

SALAMIN
--Assunta Cuyegkeng

Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumakalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mga mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.

Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.

Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.

Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.

Thursday, April 28, 2005

Mystery

The meaning of things, and their purpose,
Is in part now hidden
But shall in the end become clear.
The choice is between
The Mystery and the absurd.
To embrace the Mystery
Is to discover teh real.
It is to walk towards the light,
To glimpse teh morning start,
To catch sight from time to time
Of what is truly real.
It is no more than a flicker of light
Through teh cloud of unknowing,
A fitful ray of light
That is a messenger from teh sun
Which is hidden from our gaze.
You see teh light but not teh sun.
When you set yourself to look more closely,
You will begin to see some sense
In the darkness taht surrounds you.
Your eyes will begin to pick out
The shape of things and persons around you.
You will begin to see in them
the presence of the One
Who gives them meaning and purpose,
And that it is He
Who is teh explanation of them all.

--Cardinal Basil Hume, OSB

Tuesday, March 22, 2005

Homilya 1: Bagong Pag-asa sa Panahon ng Kadiliman

Magulo ang sitwasyon natin ngayon. Saan ka man bumaling puro masamang balita ang nakikita at naririnig natin. Kidnap for ransom gang, magulong pulitika, mahirap na ekonomiya, at kung anu-ano pa. Hindi na kailangan pang lumayo, tingnan na lang natin ang nangyayari sa ating sariling bahay—tiyak ko, kung iisa-isahin natin ang ating mga problema ay aabutin tayo ng maghapon at magdamag.

Kaya nga paminsan-minsan, napapatanong talaga ako. May pag-asa pa nga ba tayong makikita sa panahon natin ngayon? May kinabukasan ba tayong hinaharap? Sa totoo lang, madalas akong natutukso na mawalan ng pag-asa. Madalas, muntik-muntikan ko nang sabihin sa sarili ko na mukhang pinababayaan na talaga tayo ng Diyos. Ngunit alam n'yo, sa mga panahong ito, lalo kong naririnig ang Diyos na bumubulong sa puso ko at nagsasabing tingnan mo ulit, masdan mong muli sa mata ng aking pag-ibig. Sa panahon ng kagipitan, kadiliman, ng mga takipsilim sa ating buhay, nariyan lagi ang Diyos na nagsasabi sa ating lahat: tingnan mo, masdan mo ulit sa mata ng aking pag-ibig.

Sa tingin ko po, sa umagang ito, sa ebanghelyong binasa natin ngayon, ito rin ang paanyaya sa atin. Kung titingnan natin ang kalagayan ng mga “cast of characters” ika nga, makikita nating napakahirap ng kalagayan nila.

Unang-una,naghihirap ang bayang Israel dahil sinakop sila ng Roma. Pangalawa, ang buhay ng mag tauhan sa ebanghelyo ngayon ay mahirap din. Si Elizabeth at si Zacaria, hidni magka-anak-anak. Isang malaking kahihiyan iyon para sa kanila. Kung titingnan natin ang buhay nila, tila wala nang kapaga-pag-asa. Tila laging nasa kadiliman.

Ngunit ano ang nangyari? Dumating sa kanila si Juan na siyang nagbigay ng bagong sigla, at bagong pag-asa kina Elizabeth at Juan. At hindi lamang sa kanilang dalawa, pati ang buong bayan nagsaya at nagdiwang sa pagpapalang natanggap nina Elizabeth. Sa gitna ng kadiliman at karimlan ng kanilang buhay, may sumisinag na pag-asa. Sanggol pa lamang, ngunit pumupukaw na ng pag-asa. Kaya nga napapatanong ang mga tao : ano kaya ang magiging kapalaran ng batang ito at tila siya pinag-pala. Si Juan na ipinanganak kina Elizabeth at Zacarias, ang palatandaan na hindi nangiiwan ang Diyos. Na lagi siyang nariyan.

Tulad nina Elizabeth at Zacarias, naniniwala ako’t nananalig na sa atin man ay may isang Juan na ipinadala ang Diyos. Isang Juan na nagbabadya at nagpapakilala na nariyan pa rin siya at hidni tayo pinababayaan. Isang Juan na magsasabing dumarating ang Diyos sa buhay natin. Nananalig ako na sa gitna ng karimlan ng ating buhay ay may isang sanggol—isang simbolo ng kaliitan, kapayakan at kahinaan—na magbabadya din ng bagong buhay, sariwang pagtangin sa mundo at simpleng kasiyahan.

Mamaya sa pagtulog ninyo, hanapin ninyo ang sanggol na si Juan sa inyong bahay at paligid. Hanapin ninyo ang mga mumunting simbolo ng pag-asa na ibinibigay sa atin ng Diyos. Inaanyayahan ko kayong tingnan ang mag bagay sa mata ng pag-ibig, at tiyak kong makikita ninyo.

Sa gitna ng kahirapan sa buhay, masdan natin pamin-minsan ng matagal ang ngiti ng ating mga anak habang sila’y naglalaro, makikita ninyo’t sisinag ang pag-asa’t liwanag. Sa gitna ng hirap ng pera, namnamin nating mabuti ang simpleng nakahain sa mesa na pinaghirapan ninyong mag-asawa, at alam nating may pag-asa pa. Sa gitna ng mga sakuna, tingnan ninyo ang mga taong taus-pusong tumutulong at sumasagip ng buhay—hindi inaalintana ang kanilang sariling kapakanan at masasabi nating tama, may pag-asa pa—nariyan pa rin ang Diyos, hindi tayo iniiwan.

"Il Buon Di Si Conosce Da Mattina."

Monday, March 21, 2005

Children of Life

Your children are not your children.
They are the sons and daughters of Life's longing for itself.
They come through you but not from you,
And though they are with you, yet they belong not to you.
You may give them your love but not your thoughts.
For they have their own thoughts.
You may house their bodies but not their souls,
For their souls dwell in the house of tomorrow,
which you cannot visit, not even in your dreams.
You may strive to be like them, but seek not to make them like you.
For life goes not backward nor tarries with yesterday.
You are the bows from which your children as living arrows are sent forth.
The archer sees the mark upon the path of the infinite,
and He bends you with His might that His arrows may go swift and far.
Let your bending in the archer's hand be for gladness;
For even as he loves the arrow that flies, so He loves also the bow that is stable.

--Kahlil Gibran

Saturday, March 19, 2005

Parangal Kay San Jose (Sa Kanyang Kapistahan bilang Esposo ni Maria)

(Ika-19 ng Marso, 2000. Habang nananakit ang buto ko't kalamnan mula sa factory trials, naalala kong kapistahan nga pala ng asawa ni Maria. "Aba, bertdey pala ng katukayo ko!" nasabi ko sa sarili ko. Kumuha ako ng lapis, isang pirasong papel at nagsimulang makipag-usap sa kanya. Di ko inaasahang tutulungan ng musa kaya heto't nakabuo ng isang panalanging tula.)

Busilak at malinis na asawa
Bakit nga kaya naging tahimik ka
Sa pagsama at pagkalinga mo
sa birheng esposa?

Sa pagtanggap mo sa Diyos-taong
bumaba't nanirahan dito sa lupa
Napuno ka ng galak at tuwa;
Ikaw sa kanya’y naging butihing ama.

Tulad ni Maria na iyong asawa
Napupuno ka din, umaapaw sa grasya
Ang loob mo'y busilak, kalinisa'y sakdal
Pinabanal ka't hinirang ng Amang mahal

Sa iyong katahimika't lubos na kabanalan
Ang kalooban ko'y nagtaka't nahiwagaan
Paanong ang isang tao ay magmahal ng tapat
Na di alintana ang sariling pangarap

Nagmahal at umibig kang tunay na wagas
Dakilang pag-ibig sa katahimikan ipinamalas
Puspos ka nga ng biyaya, O Joseng aming ama
Salamin kang tunay ng Diyos dito sa lupa

Ipanalangin mo kami, O San Joseng Mahal
Bigyan ng pusong sa pag-ibig ay di salat
Upang tulad mo, galak nami'y maging ganap
Sa pagsunod kay Hesukristong iyo ding anak.

AMEN.