Sunday, December 25, 2005

Pagbabasbas

Nitong mga huling araw, nababanggit ko sa aking mga kasama dito sa Paaralang Xavier at gayundin sa mga nakakausap kong mga kaibigan na tila yata wala nang gaanong dating sa akin ang Pasko. Oo, alam ko at hindi pa naman nawawala sa puso ko na dakila ang araw na ito dahil ito ang araw ng kapanganakan ni Hesus.

Pero hindi ito ang "dating" na sinasabi ko. Ang sinasabi ko ay iyong dating ng Pasko na para bang lagi kang mapapatalon sa saya. Iyon bang paggising na paggising mo pa lang sa umaga ay magmamadali kang maghilamos at tatakbo palabas ng bahay upang batiin ang lahat ng Maligayang Pasko! Nitong mga nakararaang taon, parang hindi ko na masyadong nararamdaman iyon. Siguro, gawa ng aking edad. Siguro, gawa ng aking bokasyon. Siguro, gawa ng kung anu-anong mga bagay na hinahanap ko sa buhay ngayon.

Gumising ako kaninang umaga na para bang isang ordinaryong araw lamang. Lumabas ako ng silid, pumunta sa kusina at kumuha ng isang mug ng kape. Tinungga ko ang kape, gumuhit sa lalamunan ang maitim-mapait-mainit na likido. Habang kumakalat ang init mula sa lalamunan papuntang dibdib, napabuntung hininga ako at saka lumabas ang mga salitang "Merry Christmas!" Kinakausap na naman ang sarili. Mag-isa na namang nakaupo sa mesa. Naghihintay na naman at nanghuhula kung sinong Heswita ang unang makakasama sa mesa upang simulan ang umaga.

Sanayan nga lang siguro. Sa anim na taong pagiging Heswita ko, medyo nasasanay na rin ako na ang unang kaharap ko sa umaga kung Pasko ay mga Heswita. Hindi kapatid. Hindi Nanay. Hindi rin Tatay. At lalung-lalo nang hindi seksing babae na pinagnanasaan gabi-gabi.

Kaya siguro nitong mga nakararaang taon, parang hindi ko na masyadong nararamdaman ang Pasko. Siguro, gawa ng aking edad. Siguro, gawa ng aking bokasyon. Siguro, gawa ng kung anu-anong mga bagay na hinahanap ko sa buhay ngayon.....

Kaninang tanghali, habang sama-sama kaming nagdarasal ng mga kapatid kong mga Heswita sa kapilya, hindi ko napigilan ang pagbalong ng mga luha sa aking mata habang naririnig ang pagbabasbas na ibinibigay sa amin ng aming Padre Superyor.

"...Blessed are You, God of Unity,
for entering our lives through friendship.
Make us, we pray, worthy of such a gift
by being faithful but non-possessive,
by being loyal but honest
and by being ever grateful
for the gift of good friends.
Blessed are You, Lord our God who gifts us with the joys of friendship.

Amen."

Ewan ko ba. Habang sama-sama kaming nananalangin sa kapilya ng mga kapatid kong Heswita at naririnig ang pagbabasbas, naulinigan ko ang puso kong bumubulong: "Heto ang pasko mo. Narito, kasama mo ngayon si Kristo."

Pagkatapos ng panalangin, kinamayan ko ang mga kapatid kong Heswita, at binati ang lahat ng "Maligayang Pasko!"