Thursday, August 24, 2006

Pagpapakataung- tao

(Bahagi ng paghubog sa amin bilang mga Heswita ay ang maisabak kung saan-saang uri ng buhay. mahalaga ito para sa amin sapagkat dito lang naman talaga nmin mapapasukan ang buhay ng mga taong nais paglingkuran. Ngunit minsan, hindi ito madali. Kaakibat ng pakikisalamuha sa buhay mahirap ay ang pakikisalamuha sa sariling mga isyu. Bukod sa pisikal na paghihirap, ang mga isyung dapat harapin ang higt na nagpapahirap sa gawaing ito. Narito ang aking naging pagninilay noong namasukan ako bilang kargador ng sinulid sa Pasig noong 2001)

Biyaya para sa akin ang makaramdaman ang aking karupukan sa gitna ng mundong aking ginalawan sa loob ng mahigit isang buwan. Kitang-kita ko at damang-dama ang pagiging tao ko habang nararamdaman ko ang bigat ng mga sinulid na nakapatong sa aking balikat. damang-dama ko ang aking pagiging tao kapag sa gabing natutulog ay namimilipit ako sa pag-ubo gawa ng mga alikabok na nalanghap ko sa maghapon. Damang-dama ko ang aking kahinaan kapag nararamdaman ko ang pamamanhid ng mga daliri at pananakit ng katawang hindi naman talaga sanay sa mabigat na trabaho. Kasabay ng mga pisikal na hirap na ito, lalong tumitingkad ang kahinaan at karupukan kapag nararamdaman ko na ang hirap sa pagtititiis na magpakababa. Ang hirap pigilin ng katawang sumisigaw at humihiyaw ng "tama na" at nagsusumamong mabigyan ng kaunting kapritso. Ang hirap hanapan ng mapagtutuunan ng pansin kapag nagsimula nang gumapang ang libog sa katawan. Ang hirap awatin ng mga pagbubunuan ng mga makamundo at banal na hangarin sa loob ng puso. Sa mga pagkakataong ito, damang-dama ko ang pagiging tao ko, ang aking karupukan at kahinaan--ang aking karukhaan.

Gayunpaman, ipinagpapasalamat ko ang karukhaang ito. Itinuturo nito sa akin kung paanong umasa at maghintay. Itinuturo sa akin ng karukhaan ito kung paanong tunay na magsumamo sa Diyos-- lumuhod sa kanyang harap, tumag, tumangis, managhoy, umiyak-- na kahit sa isang saglit ay palakasin ang nanghihina kong puso at nangangatog kong tuhod. Sa tingin ko ito ang dahilan kung bakit nakikita kong isang biyaya ang madama ang aking pagiging tao. Matapos ang iba't ibang uri ng hirap na dinanas, panloob man o panlabas, ibinibigay nito ang isang matinding pag-asa sa Diyos. Matapos maramdaman ang karukhaan at kawalan, naroon ang pag-usbong ng lubos na paniniwalang tanging Diyos lamang ang makapupuno sa mga kakulangan at kawalang ito.

Ang paniniwalang ito ay hindi nananatiling paniniwala. Sinasagot ito ng Diyos. Sa gitna ng aking kahinaan at kasalanan ay naroon ang biyayang madama ang pagkalinga at pagsama sa akin ng Diyos. Nakita ko ang larawan ng isang Diyos na paminsan-minsang nakikipaglaro sa dasal at sinasabi sa aking "cool ka lang." Isa Diyos na kadalasan ay tahimik ngunit patuloy na umaakay at nagdadala sa akin sa loob ng anim na linggo. Walang sawa niya akong kinalinga at inalagaan. Tapat siyang nakisabay at nakiramay sa akin. Napagtanto ko tuloy na hindi nakapanghihinayang na magtiwala at maghintay sa ganitong Diyos. Sa huli, tunay nang akong naging mapalad sa aking karukhaan at kahinaan sapagkat dito ko nadama ang pagka-Diyos ng Diyos.


Sunday, May 28, 2006

Mga Anak ng Buhay

(Matingkad na matingkad sa akin ang tulang ito na isinulat ni Kahlil Gibran. Una kong nabasa ang ilang linya sa Filipino ng tulang ito sa Dekada '70--sulat ni Jules kina Gani at Evelyn. Matingkad ito sa akin sapagkat halos ganito ang naging laman ng pakikipag-usap ko sa aking nanay noong nagpaalam ako na papasok ako sa kapisanan ni Hesus. Ito ang unang pagtatangka ko na isalin sa Filipino ang buong sipi.)

Ang iyong mga anak ay hindi mo anak.
Sila'y mga anak na lalaki at babae ng Buhay na uhaw sa buhay.

Nagdaan sila sa iyo, ngunit hindi sila mula sa iyo,
At kahit pa sila'y kapiling mo, hindi sila magiging iyo.

Maibibigay mo sa kanila ang iyong pag-ibig ngunit hindi ang iyong diwa.
Sapagkat pag-iisip nila'y natatangi sa kanila.
Maari mong kupkupin ang kanilang katawan,
ngunit hindi ang kanilang mga kaluluwa
Sapagkat ang kanilang kaluluwa'y nananahan sa tahanan ng bukas,
na hindi mo madadalaw, ni sa iyong panaginip.

Maari mong pagsikapang sila'y tularan,
ngunit huwag mong igiit na tumulad sila sa iyo.
Sapagkat ang buhay ay hindi nananatili sa kahapon
Ikaw ang busog na pagmumulan ng iyong mga anak
na panang tutudlo sa hinaharap.
Sinisipat ng Mamamana ang lunan ng walanghanggan,
At huhugutin ka niya ng ubos lakas
Upang mapaalpas ang kanyang palaso nang mabilis at malayo.
Sa iyong pagkakabaluktot sa kamay ng dakilang mamamana 'y gawing galak
Sapagkat ang pag-ibig na laan sa panang pinalipad
Ay laan din sa busog na nasa kanyang palad.


--Kahlil Gibran
(unang salin)

Sunday, January 08, 2006

Contemplatio ad Amorem


Bahagi ng ating pagtubo bilang tao ang mamulat sa pag-ibig. Maaring sa simula’y hindi natin ito lubusang nauunawaan at napapangalanan ngunit kung bibigyan natin ng sapat na panahon upang tingnan at masusing kilatisin ang ating buhay, mapabubulalas tayo at sasabihing “Oo, may karanasan ako ng pag-ibig.” Kung pagmumuni-munihan pa natin ang buhay, sisinag sa ating harapan ang katotohanang ang pag-ibig ay malaon nang nakahabi sa ating pag-iral bilang tao. Sa huli, matatanto natin na ang Pag-ibig ay sophon[i]—ang kabuuan at sukdulan ng lahat. Sa pag-ibig nagsimula ang ating pag-iral, dito nagkakaroon ng kahulugan ang ating buhay, at dito rin tayo uuwi sa wakas.

Sa kabila ng pag-amin na may karanasan tayo ng pag-ibig, nakapagtatakang hindi pa rin natin ito lubusang maipaliwanag. Matatanto natin na sadyang mahiwaga ang pag-ibig—mahirap arukin ang lalim, hindi masasaklaw ang lawak, at hindi maabot ang taas. Natatagpuan natin ang ating mga sarili na laging kapos sa pananalita at gawa kapag nahaharap dito. Subalit likas sa ating mga tao ang subukan at lagpasan pa ang mga bagay na nalalaman natin. Pinagsusumikapan natin na laliman pa at lawakan ang pang-unawa sa mga katotohanang umaantig sa atin tulad ng katapangan, kabutihan, katapatan at pag-ibig dahil may kutob tayo na kahit papaano, maari natin itong malapitan at maunawaan ng mas malalim. Paminsan-minsa’y nakararanas din tayo ng pagkabigo at panghihina ng loob subali’t nanaig pa rin sa atin ang udyok na sundan ang paghahanap na ito dahil ito ang tawag ng pagiging tao. At sa pagtatangka natin maunawaan kahit bahagya ang kahulugan ng pag-ibig na ito, paminsan minsan tayong sinisinagan ng pag-asa at kagalakan dahil nararanasan din natin ang unti-unti paglalim ng ating pang-unawa at ang unti-unting paglalim ng ating karanasan. Hindi lamang ang lalim ng kahulugan nito ang ating natatagpuan at nararanasan, kundi ang kahulugan at kaganapan ng ating pagiging tao.

Kung tunay tayong nagsusumikap na tumubo sa pagiging tao, pupuntahan natin ang ating karanasan ng pag-ibig at kikilatisin kung paano ito gumalaw at dumaloy sa ating buhay. Sapagkat sa isang mahaba at magiliw na pagtingin lamang sa galaw ng pag-ibig natin matututunan kung paanong mabubuhay ng naayon dito. Ang pag-ibig ang siyang magtuturo sa ating kung paanong palalabasin ang tunay na sarili at kung paanong tunay na mabuhay bilang tao.

[i] Martin Heidegger, What is philosophy? trans. William Kluback and Jean T. Wilde (Connecticut: College and University Press, 1956).