Sunday, January 08, 2006

Contemplatio ad Amorem


Bahagi ng ating pagtubo bilang tao ang mamulat sa pag-ibig. Maaring sa simula’y hindi natin ito lubusang nauunawaan at napapangalanan ngunit kung bibigyan natin ng sapat na panahon upang tingnan at masusing kilatisin ang ating buhay, mapabubulalas tayo at sasabihing “Oo, may karanasan ako ng pag-ibig.” Kung pagmumuni-munihan pa natin ang buhay, sisinag sa ating harapan ang katotohanang ang pag-ibig ay malaon nang nakahabi sa ating pag-iral bilang tao. Sa huli, matatanto natin na ang Pag-ibig ay sophon[i]—ang kabuuan at sukdulan ng lahat. Sa pag-ibig nagsimula ang ating pag-iral, dito nagkakaroon ng kahulugan ang ating buhay, at dito rin tayo uuwi sa wakas.

Sa kabila ng pag-amin na may karanasan tayo ng pag-ibig, nakapagtatakang hindi pa rin natin ito lubusang maipaliwanag. Matatanto natin na sadyang mahiwaga ang pag-ibig—mahirap arukin ang lalim, hindi masasaklaw ang lawak, at hindi maabot ang taas. Natatagpuan natin ang ating mga sarili na laging kapos sa pananalita at gawa kapag nahaharap dito. Subalit likas sa ating mga tao ang subukan at lagpasan pa ang mga bagay na nalalaman natin. Pinagsusumikapan natin na laliman pa at lawakan ang pang-unawa sa mga katotohanang umaantig sa atin tulad ng katapangan, kabutihan, katapatan at pag-ibig dahil may kutob tayo na kahit papaano, maari natin itong malapitan at maunawaan ng mas malalim. Paminsan-minsa’y nakararanas din tayo ng pagkabigo at panghihina ng loob subali’t nanaig pa rin sa atin ang udyok na sundan ang paghahanap na ito dahil ito ang tawag ng pagiging tao. At sa pagtatangka natin maunawaan kahit bahagya ang kahulugan ng pag-ibig na ito, paminsan minsan tayong sinisinagan ng pag-asa at kagalakan dahil nararanasan din natin ang unti-unti paglalim ng ating pang-unawa at ang unti-unting paglalim ng ating karanasan. Hindi lamang ang lalim ng kahulugan nito ang ating natatagpuan at nararanasan, kundi ang kahulugan at kaganapan ng ating pagiging tao.

Kung tunay tayong nagsusumikap na tumubo sa pagiging tao, pupuntahan natin ang ating karanasan ng pag-ibig at kikilatisin kung paano ito gumalaw at dumaloy sa ating buhay. Sapagkat sa isang mahaba at magiliw na pagtingin lamang sa galaw ng pag-ibig natin matututunan kung paanong mabubuhay ng naayon dito. Ang pag-ibig ang siyang magtuturo sa ating kung paanong palalabasin ang tunay na sarili at kung paanong tunay na mabuhay bilang tao.

[i] Martin Heidegger, What is philosophy? trans. William Kluback and Jean T. Wilde (Connecticut: College and University Press, 1956).