Thursday, August 24, 2006

Pagpapakataung- tao

(Bahagi ng paghubog sa amin bilang mga Heswita ay ang maisabak kung saan-saang uri ng buhay. mahalaga ito para sa amin sapagkat dito lang naman talaga nmin mapapasukan ang buhay ng mga taong nais paglingkuran. Ngunit minsan, hindi ito madali. Kaakibat ng pakikisalamuha sa buhay mahirap ay ang pakikisalamuha sa sariling mga isyu. Bukod sa pisikal na paghihirap, ang mga isyung dapat harapin ang higt na nagpapahirap sa gawaing ito. Narito ang aking naging pagninilay noong namasukan ako bilang kargador ng sinulid sa Pasig noong 2001)

Biyaya para sa akin ang makaramdaman ang aking karupukan sa gitna ng mundong aking ginalawan sa loob ng mahigit isang buwan. Kitang-kita ko at damang-dama ang pagiging tao ko habang nararamdaman ko ang bigat ng mga sinulid na nakapatong sa aking balikat. damang-dama ko ang aking pagiging tao kapag sa gabing natutulog ay namimilipit ako sa pag-ubo gawa ng mga alikabok na nalanghap ko sa maghapon. Damang-dama ko ang aking kahinaan kapag nararamdaman ko ang pamamanhid ng mga daliri at pananakit ng katawang hindi naman talaga sanay sa mabigat na trabaho. Kasabay ng mga pisikal na hirap na ito, lalong tumitingkad ang kahinaan at karupukan kapag nararamdaman ko na ang hirap sa pagtititiis na magpakababa. Ang hirap pigilin ng katawang sumisigaw at humihiyaw ng "tama na" at nagsusumamong mabigyan ng kaunting kapritso. Ang hirap hanapan ng mapagtutuunan ng pansin kapag nagsimula nang gumapang ang libog sa katawan. Ang hirap awatin ng mga pagbubunuan ng mga makamundo at banal na hangarin sa loob ng puso. Sa mga pagkakataong ito, damang-dama ko ang pagiging tao ko, ang aking karupukan at kahinaan--ang aking karukhaan.

Gayunpaman, ipinagpapasalamat ko ang karukhaang ito. Itinuturo nito sa akin kung paanong umasa at maghintay. Itinuturo sa akin ng karukhaan ito kung paanong tunay na magsumamo sa Diyos-- lumuhod sa kanyang harap, tumag, tumangis, managhoy, umiyak-- na kahit sa isang saglit ay palakasin ang nanghihina kong puso at nangangatog kong tuhod. Sa tingin ko ito ang dahilan kung bakit nakikita kong isang biyaya ang madama ang aking pagiging tao. Matapos ang iba't ibang uri ng hirap na dinanas, panloob man o panlabas, ibinibigay nito ang isang matinding pag-asa sa Diyos. Matapos maramdaman ang karukhaan at kawalan, naroon ang pag-usbong ng lubos na paniniwalang tanging Diyos lamang ang makapupuno sa mga kakulangan at kawalang ito.

Ang paniniwalang ito ay hindi nananatiling paniniwala. Sinasagot ito ng Diyos. Sa gitna ng aking kahinaan at kasalanan ay naroon ang biyayang madama ang pagkalinga at pagsama sa akin ng Diyos. Nakita ko ang larawan ng isang Diyos na paminsan-minsang nakikipaglaro sa dasal at sinasabi sa aking "cool ka lang." Isa Diyos na kadalasan ay tahimik ngunit patuloy na umaakay at nagdadala sa akin sa loob ng anim na linggo. Walang sawa niya akong kinalinga at inalagaan. Tapat siyang nakisabay at nakiramay sa akin. Napagtanto ko tuloy na hindi nakapanghihinayang na magtiwala at maghintay sa ganitong Diyos. Sa huli, tunay nang akong naging mapalad sa aking karukhaan at kahinaan sapagkat dito ko nadama ang pagka-Diyos ng Diyos.