Saturday, October 27, 2007

News Flash 2: Kontra-Dengue Natagpuan Na

Isang magandang balita mga kapamilya at kapuso... nadiskubre na ng DoH ang bagong pormula na makasasagupa sa dengue. Ayon sa report, natagpuan nila sa mga lumang files ng Kagawaran ang isang mainam na pormula na talagang susugpo sa mga mapaminsalang lamok. Ayon sa ating bubuwit, wala daw makapagsabi sinuman sa kagawaran kung paanong naitago ang pormulang ito at nalimutan ng mga opisyales, samantalang naging napakamabisa nito noong mga araw. Agad na inorder ni Sec. Duque ang full implementation at thorough public service announcement para sa ikaliligtas ng mga mamamayan. Tumulong na rin si Pangulong George W. Bush ng estados Unidos sa programang ito, dahil nakita nilang makatutulong ito kahit na sa mga mamamayang Americano. Narito ang live feed ng kasalukuyang launching ng programa...

News Flash: Wala kay Nora ang Bato

Kamakailan lamang ay napatunayan na talagang si Narda ang tunay na may dala ng bato sa airport ng U.S. at hindi si Nora. Napag-alaman na kasalukuyan daw hinihingi ni Narda ang bato kay Ding upang makasigaw siya ng Darna at maligtas ang buong airport sa nakaambang terorista. At dahil pilantod diumano itong si Narda, ay hindi niya nahabol kaagad ang hinagis na bato. Ayon sa report, kasalukuyan daw naglalakad noon si Nora sa airport nang mapulot niya ang mahiwagang bato. Agad-agad namang dumating ang mga opisyales at napagbintangan si Norang nagpupuslit ng shabu sa tate. Napawalang sala si Nora Aunor sa kanyang kaso, sa kondisyong gagawa siya ng komersyal ukol sa pag-iimpok sa bangko. Roll VTR...

Friday, October 26, 2007

SA LOOB AT LABAS NG BAYAN KONG SAWI

Mahigit isang daang taon na ang nakalilipas nang isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura. Pero nitong mga huling araw, nitong mga huling buwan, hindi ko maialis sa isip ko kung paanong nakuha at nabigyang salita ni Balagtas daang taon na ang nakalilipas ang isang sitwasyong kinasasadlakan natin. Nakaluluha ang kalagayan natin. Dapat na nga yatang magluksa.



Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari
Kagalinga’t bait ay nalulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.

Ang magandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng dusa’t linggatong
Baling magagaling ay ibinabaon
At inililibing nang walang kabaong.

Nguni ay ang lilo’t masasamang loob
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa baling sukab na may asal-hayop
Mabangong ins’yenso ang isinisuob.


Kaliluha’t sama ang ulo’y nagtayo
At ang kabaota’y kimi’t nakayuko
Santong katuwira’y lugami at hapo
Ang luha na lamang ang pinatutubo.


At ang baling bibig na binubukalan
Ng sabing magaling at katotohanan
Agad binibiyak at sinisikangan
Ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

O taksil na pita sa yama’t mataas!
O hangad sa puring hanging lumilipas!
Ikaw ang dahilan ng kasamang lahat
Niyaring nasapit na kahabag-habag.


Francisco Baltazar (Mula sa Florante at Laura)

Thursday, October 25, 2007

The Beauty of the Philippines

One of my favorite tv commercials during my high school to college days. I wonder when will Philippine Airlines will come up with a tv ad like this again?



Another tv ad about the Philippines captivated my very Filipino heart is Wow Philippine's "Biyahe tayo." Kay sarap maging Filipino.

Friday, September 28, 2007

Gambalain Mo Kami Panginoon, Para sa mga Gurong Gumambala sa akin

Dalawang taon akong nagturo sa Paaralang Xavier. Sa unang pagpasok ko sa paaralan, dala-dala ko ang kaunting yabang ng pagiging Heswita. Palibhasa, wala naman akong galing na maipagyayabang talaga--kaya't natuto na lamang tumuntong sa balikat ng mga Heswitang nauna sa akin. Para tuloy akong langaw na nag-akalang mas mataas ako sa kalabaw na aking tinutuntungan. Subalit nang makasalamuha ko ang mga guro...ang mga tunay na guro sa paaralang Xavier, naalog ako't napahandusay. Sa kanilang sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang mga tawa, kasiyahan, pag-aaway, pagbabangayan, at pag-iyak at pagdaramdam ay nakita ko ang mukha ng Maykapal. "Lumayo ka sa akin, Panginoon. Hindi ako karapatdapat."

Ginambala ako ng Diyos, sapagkat sa harap ng mga gurong aking nakasalamuha...mga totoong guro (di tulad ko)...nakita ko ko kung ano ang tunay na kahulugan ng paglilingkod sa kapwa...nang walang hinihintay na kapalit na kaginhawaan(dahil kung minsan nga naman, kahit halos makuba na sila sa pagtuturo ay talaga namang halos walang naibabalik na senyales ng pagkatuto ang iba sa mga pasaway na estudyante). Ipinaala-ala nila sa kin na ang pagtugon nga palang ginagawa ko sa araw-araw ay nagsimula nang makilala ko ang Guro na sa kanyang salita, gawa, pagkamatay at pagkabuhay ay ginambala ako.

Mapapalad kayong mga guro...sapagkat daluyan kayo ng liwanag ng mukha ng Dakilang Guro-- Siya na nagbukas at nagpakilala sa ating lahat kung paanong maging tunay na tao.

Happy A-day 'chers! (Para sa lahat ng gurong nakilala ko sa Paaralang Xavier, lalung-lalo na sa Kagawarang Filipino)

------
Gambalain Mo Kami, Panginoon kung
Malabis kaming nagagalak sa aming mga sarili
Kung naabot namin ang aming mga pangarap
Sapagkat nangarap kami ng napakababa
Kung nakarating kami nang ligtas
Sapagkat naglayag kami nang napakalapit sa pampang

Gambalain Mo Kami, Panginoon kung
Sa karangyaan ng mga bagay na aming pag-aari
Nawaglit ang aming uhaw
Sa tubig ng buhay;
Na nang kami'y humilig sa buhay,
Nahinto rin ang aming pag-aasam sa Walang Hanggan
At sa aming pagsisikap na magtayo ng panibagong daigdig
Hinayaan naming ang aming pananaw
Sa bagong Langit na magdilim.

Gambalain Mo Kami, Panginoon na mangahas ng buong tapang,
Na maglakbay sa higit na malalalim na karagatan
Na kung saan ang mga unos ay maghahayag ng iyong pagka-Panginoon;
Kung saan, mawala man sa aming balin-tataw ang mga lupa,
Matatagpuan naman namin ang mga bituin.

Hinihiling namin, Sa Iyo, na itulak patungo
sa mga hangganan ng abot-tanaw ang aming mga pag-asa;
At ihatid kami sa hinaharap
Na may lakas, tapang, pag-asa at pag-ibig.

--panalangin sinasabing katha ni Sir Francis Drake, 1577

Monday, July 02, 2007

An Invitation

Grace, they say,
is the meeting of two desires: yours and God's.
But too often,
we do not take time out
to know what it is we desire the most,
what it is that we really want.
And we take even less time to consider what God wants of us.
We just copy what most of the world seems to be wanting:
a comfortable house, a good-enough car,
presentable clothes, a secure life.
These are what we are led to pursue.
We do not bother to check if they can really fulfill us,
if they can really make us happy.
And too often, we just equate being happy
with having what we want.
We forget that happiness entails not only getting what we want
but going where we are most needed also.

We hear about Jesuit Vocation Seminars,
and we automatically say,
That's not for me. I'm not made to be a priest nor a religious brother.
But who knows?
Give it a chance.
Try it out.
Take some time to think about what God may want of you.
Who knows?
It might be what you want most, as well.

This has been a long enough sermon.
But actually, it is just a description of
what many Jesuits have gone through in discerning their vocations.
Take one day off to try to find out what you truly desire,
and what God desires of you.
It will certainly be a day filled with grace.

A Jesuit Vocation Seminars for male college students and
young professionals will be held at the 2nd Floor of the
CLC Center, Ateneo de Manila University
this July 15, 2007 from 8:00 - 5:00pm

For more information please contact
the Jesuit Vocation Promotions Office
at Tel. Nos. 426-6101
or E-mail vocprom@vasia.com

Sunday, May 27, 2007

Talaarawan 3-15-05: Sa Subic

Being with my class 3C here in Subic is quite an experience for me. It's a different experience to just relax after a year of teaching (and terrorizing students) and to just enjoy their company-- to know their minds, to hear them talk about their own struggles, their joys and sorrows; to be a friend to them...to be a Brother.

Nakapanghihinayang nga lang at hindi ko sila gaano masamahan at masakyan sa lahat ng pagkakataon. Hindi ko sila basta-basta masamahan sa pagtungga ng Absinthe at magpakalasing--dahil guro pa rin ako at nakatatandang may responsabilidad na magpaalala sa kanila. Hindi ko rin sila masakyan minsan bakit addict na addict sila sa PS2 o Xbox kaya. Nakapanghihinayang at hindi ko sila masamahan at mainitindihan sa lahat ng pagkakataon. Sa ngayon, sapat na sa akin ang mapasalamatan ng mga estudyanteng inlagaan sa loob ng isang taon, ang makuwentuhan ng mga angst nila sa buhay, o kaya'y makonsulta ukol sa nakalilito at mapagbirong pagtatalunan ng hormones at kalibugan sa kanilang mga katawan, ang masabihan na kahit papaano may kakaiba akong naibahagi sa kanila bukod sa aming aralin sa Fil;ipino. Nakatutuwang matuklasan na kahit sa pinakasimpleng mabilis kong pagsauli sa kanila ng mga pagsubok o kaya'y matandaan ko ang mga marka nila sa bawat pagsusulit, ay malaki na ang tama nito sa kanila.

--"'Yang si Bro, alam niyan ang mga score ko sa quiz!"
--"'Hindi ka lang namin 'cher, brother ka namin"

Panginoon, isang taong pampaaralan ang lumisan. Salamat ha. Ang akala ko noon ay hindi ako magtatagal. Pero heto ako, isang klase na ang napalapit sa puso ko...mga panganay ko kung baga. Salamat ha.

Wednesday, January 03, 2007

SA SIMULA, PAG-IBIG

Malapit ako sa aking mga magulang. Sa katunayan, hindi lingid sa aking mga kaibigan na sa paminsan-minsang pag-uwi ko sa bahay noong nasa Nobisyado pa lamang ako, ay sa silid nila ako natutulog. Minsang umuwi ako’t nakitulog sa kanilang kuwarto, naalimpungatan ako sa pag-uusap ng aking nanay at tatay. Naulinigan ko ang pinag-uusapan nila. Pinagmumuni-munihan nila ang mga panahong ginugol nila upang palakihin kami—sinasariwa ang mga galak at hirap ng pagiging magulang. Habang nag-uusap sila, naramdaman kong hinahaplos ng tatay ko ang aking buhok habang nakatunghay naman sa akin ang aking nanay.
Bumabalik sa akin ang tagpong iyon sa tuwing pinagmumuni-munihan ko ang aking buhay. Hindi kasi maaalis sa isip ko na maaring hindi ako isinilang at nabuhay dito sa mundo. Paano kung noon una’y nagdesisyon ang mga magulang ko na gumamit ng kontaseptibo o kaya’y naisipan nilang ipalaglag ako? Habang pinagiisipan ko ang mga posibilidad na ito, bumabalik rin naman sa ala-ala ko ang mga naranasan kong pagsusumikap nila na pagyamanin ako at tiyaking maganda at maayos ang aking paglaki. Iisang bagay lamang ang kinahihinatnan ng mga pag-iisip kong iyon—natitiyak kong minahal ako ng aking mga magulang.
Alam naman nating lahat na sa pag-iibigan ng ating mga magulang kaya tayo umiral. Ngunit bukod sa pagiging bunga ng kanilang pag-ibig, higit na mahalagang tingnan ang katotohanang umiiral tayo ngayon dahil tayo ay pinahalagahan at inibig ng ating mga magulang. Nagtitiwala tayo na nakita nilang mabuti at mahalaga ang ating pag-iral, at dahil dito pinagsumikapang arugain at palaguin. Ito ang una nating karanasan ng pag-ibig ayon kay Josef Pieper. Nagmumula ang karanasan nating ito ng pag-ibig sa isang aktibong pagpili at pagpapatotoo ng kalooban sa ating pag-iral. Nagsisimula tayo sa karanasan ng may nagsasabi sa ating “Nagagalak ako’t umiiral ka, mabuti’t nariyan ka”
Mula sa ating pag-silang patuloy na pumipili ang ating mga magulang na pagyamanin tayo at palakihin. Pinagsusumikapan nilang ibigay sa atin ang lahat ng kabutihang maari nilang maibigay. Samantala, sa gitna ng mga kilos-pagmamahal na ibinibigay sa atin—tumutubo naman tayo at nagkakaroon ng kamalayan. Unti-unti nating namamalayan na mayroon tayong sarili na ibang-iba kaysa sa ating mga magulang at sa lahat ng iba pang umiiral sa paligid natin. Namamalayan natin at natutuklasan na may “Ako” na napahahalagahan ang pag-iral. Maganda ang paglalahad ni Hans urs von Balthazar sa kaugnayan ng pagbibigay ng pag-ibig ng ating magulang sa pagbukas ng ating kamalayan ng sarili. Sabi niya, “matapos ngumiti ng nanay sa kanyang anak ng ilang beses unti-unti na ring ngingiti ang anak pabalik sa kanyang ina. Nagigising ang pag-ibig sa puso ng bata, nagigising din ang kanyang pagkilala.”
Sa pagkilalang ito nagsisimula ang paglago ng ating kamalayan sa paligid-- mula sa ating mga magulang, sa mga bagay na nakikita natin sa paligid, at sa lahat ng mga umiiral sa sansinukob. Nagiging malay tayo sa iba’t-ibang umiiral sa ating paligid. Bumubulaga sa atin ang karanasan ng sabay pagkamangha at pagtataka dahil sa kabila ng pagkakaib-iba ng mga umiiral, may kaayusan tayong nakikita. Nakikita natin ang ganda ng sangkaayusan. Ang katotohanang ito din ang bumulaga sa mga sinaunang Griyego kaya’t sila’y napatanong kung bakit meron--bakit may sangkaayusang umiiral—at hindi wala. Hinahanap din natin ang kasagutan sa mga tanong na ito. At sa pagbaling natin sa sangkaayusan, nakapagtatakang lagi itong nariyan at patuloy tayong pinagyayaman. Nararanasan natin ang kabutihan at kagandahan nito. Mula sa karanasan natin ng pag-ibig ng ating mga magulang hanggang sa karanasan natin ng ating kapaligiran, nakikita natin kung gaano kaganda at kabuti ang lahat ng umiiral. Kaya nga natututo din tayong magpahalaga; natututo din tayong magsabi ng “Nagagalak ako’t umiiral ka! Mabuti’t nariyan ka.”
Kasabay ng pagkamanghang nararanasan natin sa pagtanaw sa kabutihan ng mga umiiral at ng sangkaayusan, unti-unti rin nating nakikita na umiiral ang lahat ng naayon sa partikular nitong uri. Iba ang pag-iral ng bato sa pag-iral ng halaman. Gayun din naman, iba ang pag-iral ng halaman sa pag-iral ng hayop. Sa gitna ng mga pagkakaibang ito, ibinabaling natin ang ating paningin sa ating mga sarili at nakikita natin na namumukod tangi tayo sa lahat ng umiiral. Nakikita nating may mga galing tayo na lagpas-lagpas pa sa galing ng ibang umiiral. Nakikita natin na may kamalayan tayong umiiral ang sarili, may kamalayan sa nangyayari sa paligid, nakapag-iisip, nakapagsasalita, nakuunawa,may kaloobang laging nagsusumikap na magpakabuo at maging malaya. Higit sa lahat, tayo lamang ang may kakayahang umibig at makipag-ugnayan nang may pag-ibig.
Samakatuwid, makikita lamang natin na na tunay tayong nagiging tao kung ginagamit natin at isinasagawa ang galing na naaangkop sa atin. Lumalago tayo sa pagiging tao kung nagsisimula na tayong makipag-ugnayan nang may pag-ibig.