Wednesday, January 03, 2007

SA SIMULA, PAG-IBIG

Malapit ako sa aking mga magulang. Sa katunayan, hindi lingid sa aking mga kaibigan na sa paminsan-minsang pag-uwi ko sa bahay noong nasa Nobisyado pa lamang ako, ay sa silid nila ako natutulog. Minsang umuwi ako’t nakitulog sa kanilang kuwarto, naalimpungatan ako sa pag-uusap ng aking nanay at tatay. Naulinigan ko ang pinag-uusapan nila. Pinagmumuni-munihan nila ang mga panahong ginugol nila upang palakihin kami—sinasariwa ang mga galak at hirap ng pagiging magulang. Habang nag-uusap sila, naramdaman kong hinahaplos ng tatay ko ang aking buhok habang nakatunghay naman sa akin ang aking nanay.
Bumabalik sa akin ang tagpong iyon sa tuwing pinagmumuni-munihan ko ang aking buhay. Hindi kasi maaalis sa isip ko na maaring hindi ako isinilang at nabuhay dito sa mundo. Paano kung noon una’y nagdesisyon ang mga magulang ko na gumamit ng kontaseptibo o kaya’y naisipan nilang ipalaglag ako? Habang pinagiisipan ko ang mga posibilidad na ito, bumabalik rin naman sa ala-ala ko ang mga naranasan kong pagsusumikap nila na pagyamanin ako at tiyaking maganda at maayos ang aking paglaki. Iisang bagay lamang ang kinahihinatnan ng mga pag-iisip kong iyon—natitiyak kong minahal ako ng aking mga magulang.
Alam naman nating lahat na sa pag-iibigan ng ating mga magulang kaya tayo umiral. Ngunit bukod sa pagiging bunga ng kanilang pag-ibig, higit na mahalagang tingnan ang katotohanang umiiral tayo ngayon dahil tayo ay pinahalagahan at inibig ng ating mga magulang. Nagtitiwala tayo na nakita nilang mabuti at mahalaga ang ating pag-iral, at dahil dito pinagsumikapang arugain at palaguin. Ito ang una nating karanasan ng pag-ibig ayon kay Josef Pieper. Nagmumula ang karanasan nating ito ng pag-ibig sa isang aktibong pagpili at pagpapatotoo ng kalooban sa ating pag-iral. Nagsisimula tayo sa karanasan ng may nagsasabi sa ating “Nagagalak ako’t umiiral ka, mabuti’t nariyan ka”
Mula sa ating pag-silang patuloy na pumipili ang ating mga magulang na pagyamanin tayo at palakihin. Pinagsusumikapan nilang ibigay sa atin ang lahat ng kabutihang maari nilang maibigay. Samantala, sa gitna ng mga kilos-pagmamahal na ibinibigay sa atin—tumutubo naman tayo at nagkakaroon ng kamalayan. Unti-unti nating namamalayan na mayroon tayong sarili na ibang-iba kaysa sa ating mga magulang at sa lahat ng iba pang umiiral sa paligid natin. Namamalayan natin at natutuklasan na may “Ako” na napahahalagahan ang pag-iral. Maganda ang paglalahad ni Hans urs von Balthazar sa kaugnayan ng pagbibigay ng pag-ibig ng ating magulang sa pagbukas ng ating kamalayan ng sarili. Sabi niya, “matapos ngumiti ng nanay sa kanyang anak ng ilang beses unti-unti na ring ngingiti ang anak pabalik sa kanyang ina. Nagigising ang pag-ibig sa puso ng bata, nagigising din ang kanyang pagkilala.”
Sa pagkilalang ito nagsisimula ang paglago ng ating kamalayan sa paligid-- mula sa ating mga magulang, sa mga bagay na nakikita natin sa paligid, at sa lahat ng mga umiiral sa sansinukob. Nagiging malay tayo sa iba’t-ibang umiiral sa ating paligid. Bumubulaga sa atin ang karanasan ng sabay pagkamangha at pagtataka dahil sa kabila ng pagkakaib-iba ng mga umiiral, may kaayusan tayong nakikita. Nakikita natin ang ganda ng sangkaayusan. Ang katotohanang ito din ang bumulaga sa mga sinaunang Griyego kaya’t sila’y napatanong kung bakit meron--bakit may sangkaayusang umiiral—at hindi wala. Hinahanap din natin ang kasagutan sa mga tanong na ito. At sa pagbaling natin sa sangkaayusan, nakapagtatakang lagi itong nariyan at patuloy tayong pinagyayaman. Nararanasan natin ang kabutihan at kagandahan nito. Mula sa karanasan natin ng pag-ibig ng ating mga magulang hanggang sa karanasan natin ng ating kapaligiran, nakikita natin kung gaano kaganda at kabuti ang lahat ng umiiral. Kaya nga natututo din tayong magpahalaga; natututo din tayong magsabi ng “Nagagalak ako’t umiiral ka! Mabuti’t nariyan ka.”
Kasabay ng pagkamanghang nararanasan natin sa pagtanaw sa kabutihan ng mga umiiral at ng sangkaayusan, unti-unti rin nating nakikita na umiiral ang lahat ng naayon sa partikular nitong uri. Iba ang pag-iral ng bato sa pag-iral ng halaman. Gayun din naman, iba ang pag-iral ng halaman sa pag-iral ng hayop. Sa gitna ng mga pagkakaibang ito, ibinabaling natin ang ating paningin sa ating mga sarili at nakikita natin na namumukod tangi tayo sa lahat ng umiiral. Nakikita nating may mga galing tayo na lagpas-lagpas pa sa galing ng ibang umiiral. Nakikita natin na may kamalayan tayong umiiral ang sarili, may kamalayan sa nangyayari sa paligid, nakapag-iisip, nakapagsasalita, nakuunawa,may kaloobang laging nagsusumikap na magpakabuo at maging malaya. Higit sa lahat, tayo lamang ang may kakayahang umibig at makipag-ugnayan nang may pag-ibig.
Samakatuwid, makikita lamang natin na na tunay tayong nagiging tao kung ginagamit natin at isinasagawa ang galing na naaangkop sa atin. Lumalago tayo sa pagiging tao kung nagsisimula na tayong makipag-ugnayan nang may pag-ibig.